
PINASALAMATAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng General Santos ng tinatayang P7.1 milyon sa Lagao Drivers Operators Transport Cooperative (LADOTRANSCO) bilang tulong-pinansyal sa mga operator at tsuper na nais lumahok sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, malaking tulong ito upang mahikayat ang iba pang mga operator at tsuper na makiisa sa nasabing programa.“Nagpapasalamat ang buong LTFRB sa LGU ng General Santos City dahil sa ginawa nila, hindi lang mababawasan ‘yong halaga na kailangan ng ating mga operator at driver kundi mahihikayat din ang iba na sumali sa PUVMP,” pahayag ni Guadiz.
Bilang kinatawan ng nasabing lokal na pamahalaan, pinangunahan ni Mayor Lorelie Geronimo Pacquiao ang pagbibigay ng tseke noong Biyernes, ika-17 ng Pebrero, na nakalaan para sa 71 units na sumali sa LADOTRANSCO.
Bago ito, pinirmahan ng LADOTRANSCO at ng lokal na pamahalaan ng General Santos ang isang kasunduan na nagtulak para sa pamimigay ng naturang Special Support Fund ng lungsod.
Tiniyak naman ng alkalde ang kanyang suporta sa LADOTRANSCO at nanawagan na manatiling mabuting halimbawa sa iba pang kooperatiba sa lungsod.
Nagpasalamat din ang General Manager ng LADOTRANSCO na si Robert Cang para sa patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta ng lokal na pamahalaan sa mga kooperatiba sa kanilang lungsod.Kabilang din sa mga nag-abot ng tseke sa nasabing kooperatiba sina City Administrator Shandee Llido-Pestaño, Assistant Department Head of the City Economic Management and Cooperative Development Office (CEMCDO) Jose Kevin Sienes, at Executive Assistants Evelyn Villaceran at Joey Concepcion.
#DOTr
#LTFRB
#ArangkadaLTFRB